Thursday, December 12, 2013

Lason sa Ilog


Pinangunahan na ng isang environmental group at international advocate para sa kalikasan, GREENPEACE, ang pagsabi sa DENR ang pagsasagawa ng contamination disclosure system para sa mga kompanya at pabrika na isa nagiging sanhi ng pagkalason at pagdumi ng mga ilog at iba pang katubigan sa Pilipinas. Ayon sa kanila, kinakailangang maipaalam sa mga mamamayan na ang mga pabrikang ito ang hinihinalang nagbubuga ng mga kemikal papunta sa mga daan ng tubig diresto sa mga estero at ating mga ilog.

Ayon pa sa pagtatala ng Blacksmith Institute, isang organisasyong eksperto sa pagsusuri ng kalikasan, napasama ang ilang ilog sa Pilipinas gaya ng ilog sa Marilao sa talaan ng 30 dirtiest rivers sa buong mundo. Gayundin ang tala ng pamahalaan hinggil sa mga maruruming ilog sa bansa, ang Pasig river at ang Marikina river, na isa sa mga pangunahing ilog na dumadaloy sa Kalakhang Maynila.

Nakakahiyang malaman ang mga ganitong balita, anu pa mang taon ito naisalaysay. Kung bibisitahin ang mga ilog na ito, baka mga mismong mata natin at pang-amoy ang makapagsasabi ng kalagayan ng ating mga ilog. Marumi. Kulay putik o kulay lumot. Mabaho. Puno ng basura, sari-saring basura. Nakapanlulumo. Nakakalungkot. Nakakahiya. Ito ang mga nakalalason sa ating mga ilog.

            Isa ang Pilipinas sa mga bansang sagana sa mga likas na yaman. Mula sa mga bundok, kagubatan at kapatagan hanggang sa mga katubigan, maraming maipagmamalaki ang ating bansa. Ngunit sa pagkakataong ito, mukhang may problema ang bansa pagdating sa ating mga ilog. Ayon sa grupo, may pagkukulang ang pamahalaan sa pag-obserba at pag-alam sa mga tiyak na sanhi ng polusyon sa mga ilog na ito at ang pagsugpo sa mga ito. Marahil nahihirapan ang pamahalaan na disiplinahin ang mga tao at maipabatid sa lahat ang kahalagahan ng ating mga ilog. O, hindi nagagawa ng pamahalaan ang kanyang tungkulin sa pangangalaga ng ating kalikasan? Ayon sa ilang GREEN environmental groups, kailangang proteksyunan ang ating kalikasan, panatilihing malinis at huwag pabayaang masira. Para sa akin, kung gugustuhin natin, maaari nating gawan ng paraan ang pagresolba sa problemang pangkalikasan na ito, rehabilitasyon. Maaaring matagal na proseso at magastos. Ngunit, kung magbubunga nang maganda para sa bayan at sa ating kalikasan, bakit hindi nating subukang gawin? Simulan natin ngayon. Habang maaga pa at hindi pa nahuhuli ang lahat. Huwag nating hintaying maitala pa na ang ating bansa, ay isa na sa mga maruruming bansa sa buong mundo.

No comments:

Post a Comment